Sariwa pa sa king panganorin ang inabot na pagpapahirap ng kalamnan nitong Feb 28 . Isang maaksiyong eksena sa topload ng van na aming inarkila. Ganito pala ang pakiramdam ng mga kargadang gulay o prutas. Umaatikabong bugbugan at pakikipagtunggali sa matatarik, mabato at maputik na landas patungo sa aming paroroonan. Habang madaya at pasimpleng sinusunog pala ng araw ang aking balat nang ‘di ko namamalayan dahil ikinukubli ito ng malamig na klima.
Kinakailangan ng matindi-tinding kaalaman at galing sa pagda-drive sa ganitong uri ng daan. Lakas ng katawan at diskarteng ‘di matatawaran.
Pagkatapos ng mahaba-habang oras ng mala-rollercoaster na biyahe ay isang lawit dilang paglalakad papanhik. Kung mahina-hina ang tuhod o kaya ay hindi mag-iingat siguradong sa halip na sa itaas magtapos ang paglalakbay ay sa ibaba ka ng bangin dadamputin na nakikipag-talik sa alikabok. Siguradong sayang ang biyaheng pinagbuwisan ng oras, lakas at libag.
Nakisama naman ang panahon na bagamat umaambon-ambon ay hindi nito masyadong pinagputik ang daan katulad ng pinag-aalala ng mga kasama naming lokal. Triple nga ang magiging pag-hihirap kung maputik na maputik ang daan. Mas magiging matagal ang paglakad dahil kakainin ito ng mga paggulong at pagdausdos ng mga hindi sanay na kasama namin. Mabuti na lang at natira din naman ako ng Bulakan kaya medyo sanay na rin kahit papaano.
Nandiyan din ang mala-takeshi castle na pagtawid sa iba’t-ibang laki ng bato sa umaagos na kulay kapeng may creamer na ilog o batis. Ang premyo ay nag-aabang sa dulo ng obstacle course na sa mga taga rito ay normal na bahagi lamang ng kanilang buhay.
Ang sabi nga ng aming “guide,” resulta daw ang pagkakapeng may creamer ng ilog ng pag-pa-panning ng ginto na ginagawa sa itaas na bahagi ng bundok. Kaya hindi tuloy nakakaenganyong pagliguan ang umaagos na katawang tubig.
Nang naabot na namin ang halos ay tuktok ng bundok ay bumulaga sa amin ang kulumpon ng mga tag-pi-tagping kubo na mga nagsipagtirik sa padausdos na gilid ng bundok. Sa simula ay mangilan-ngilan lamang ang mga tao. Kaya pala ay nasa loob sila ng mga kwebang ginawa upang makuha ang mga bato mula sa kaloob-looban ng bundok. Na kanilang titiktikin, dudurugin at ipoproseso upang maihawalay ang ginto.
Naisip kong ihalintulad ito sa iyo ang paghahanap ng ginto... Putik tumula nanaman ako. hehehe
Malapit ka lang pero singlayo ka ng langit
Malapit ka lang pero singlayo ka ng langit
Na laging inaabot ng pusong nangungulit
Dama-dama ka ngunit manhid sa pagpupumilit
Di mo pinagbigyan kahit isang saglit
Ginto kang kay hirap hagilapin
Sala sa panahong aking uubusin
Paghihirapan pawisan kong gugulin
Makamit ka lang hininga may kapusin.
No comments:
Post a Comment