Photo source: http://sloone.wordpress.com
Nagmumulto ngayon ang muling pagbabalik ng “Death Penalty” o parusang kamatayan. Muling binubuhay ang pinatay ilang taon na ang nakakaraan.
Nagsimula ang lahat nang dumagsa ang karumaldumal na balita ng mga kaso ng pag-carnap at pagpatay at pagsunog sa katawan ng ilang mga negosyante (car dealers) nitong mga nakaraang mga araw. Nagkataon pa o sinasadya nga ata na nagmula pa sa mga kilalang personalidad ang nabiktima.
Nabiktima ang anak ni Atty. Lozano, driver nito at isa pang car dealer. Sumunod naman ay kamag-anak ni Manuel Roxas ang na-agawan ng sasakyan at ilang araw pa ay si Carl balita naman ang nanakawan ng Van.
Kaya naman itong si Vice President Binay ay natulak na magdeklara ng kanyang pagsuporta sa mungkahi ng ilan na ibalik ang parusang kamatayan. Agad namang nagmagaling din si Senator Revilla sa pagpapanukala na ibalik nga ito. Gayundin si Senator Enrile.
Epal din agad ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC). Na mauunawaan mo naman sa kanilang tindig dahil sa kanilang adbokasiya. Pero hindi ba nakakapagtaka na pag ang papatayin ay kriminal, ang akto ng pagpatay ay nagiging hindi krimen sa kanilang lohika.
Sa unang tingin, mukhang makatwiran nga na parusahan ng kamatayan ang mga kriminal na ito. Lalot pa’t ang maririnig mo na mukhang makakakumbinse, ayon pa sa kanila, na wala nang takot ang mga kriminal na ito sa batas. Kaya ganun-ganun na lang kung gumawa ng karumaldulmal na krimen.
Ika pa nga ng iba “An eye for an eye. A tooth for a tooth.”
Kailan nga ba nagiging tama ang pumatay?
Hindi ba’t ang matagal nang dapat pinaghuhusay ng gobyerno ay ang kanyang pamamahala ng peace and order? Hindi kaya walang takot sa nagpapatupad ng batas ang mga kriminal dahil kriminal din naman ang mga ito sa kanilang paningin?
At hindi ba’t talaga namang walang takot ang mga kriminal dahil nga kapit sa patalim?
Hindi kaya ang nasa likod din ng mga kriminal na ito ay mga nasa katungkulan din?
Paano naman kaya ang katotohanan ang mga walang pera o mahihirap ang nalilinya sa bitay at ang mga may kaya ay nakakaligtas. Paano din naman kaya ang mga inosenteng biktima ng baluktot na sistema ng hustisya.
At wala pang sapat na pag-aaral na ang bitay ay epektibong nagpapatigil sa krimen.
Hindi ba’t labag ito sa anti-torture law at mga international humanrights standars.
Puro haka-haka, pero may pinaghuhugutan…
Ibabalik muli natin ang mga debate hinggil sa bitay. Muling bubuhayin ang pinatay nang parusang kamatayan…
(may karugtong)
Hinabing diwa ng panunudyo
Sa dungis ng kamay ay dugong natutuyo
At hinanakit ng mga nagmumulto
Biktima ng mga mamamatay tao
Hindi matapos-tapos ang gulo
Hinagpis ng tama sa maling pagtanto
Kailan pang ang pagkitil ay naging wasto?
Kailan pang naging tamang pumatay ang estado?
Buhay laban sa pagpatay
Sa mga inosenteng sa husga pa lang ay natatalo
Ang magparusa ba o magpabago
Repormahin ang paltik sa ulo
Ng mga dukhang mayaman sa gutom
Sa patalim kumakapit tapang ay nagkukuyom
O sa mga may kayang salat sa hilom
Wala sa pakundangan lagpas sa mayroon.
No comments:
Post a Comment