Kape, sigarilyo... |
=============================================
Para kanino ka bumabangon?
Para sa anak. Para sa kaibagan. O sa ‘di mo kakilala. Para sa bata. O sa isip bata. Para sa marami. Para sa sarili.
Pag may Nescafe Classic na puro at tunay, sumasarap ang umaga. Para di ka lang basta gumigising, bumabangon ka ng may dahilan. Dahil pag tinulungan mong bumangon ang isang tao, parang buong bayan na rin ang bumabangon.
Bangon na sa Nescafe Classic.
==========================================
Biruin mo ‘yon… naisip ng gumagawa ng advertising company ng Nescafe ang konseptong ito. Ano kaya ang vitamins na tini-take nila at ganito kalusog ang utak? Sa pag-inom kaya ng kape?
Elib talaga ako sa konseptong ito. Na ang bawat isa sa atin ay kelangang may dahilan para bumangon… napa-wow ako talaga “ang gleng gleng!” reaksiyon ko habang pinanonood ang advertisement.
Karamihan nga sa mga kakilala ko ay nagsisimula ang umaga sa paghigop ng mainit na kape. Katulad ko, na hindi magiging kumpleto ang umaga kung walang kape at sigarilyong mas una pang inaasikaso kesa sa paghihilamos.
Parang gasolina o pang-warm up. Parang prelude, prologue o overture. Hehehe
Totoo nga naman. Kailangang may pampagana o dahilan para bumangon. Kadalasan, ang dahilan ng isang tao para bumangon ay ang kanyang mga mahal sa buhay. Katulad ng ipinahihiwatig ng patalastas.
Inspirasyon para magsimula ang araw.
Sa kabilang banda, hindi kaya’t nakakasawa rin na palagi ka na lang bumabangon para sa iba? Hindi ba’t isang pagkauyam na sa araw-araw na ginawa ng diyos ay gigising ka, magkakape, maliligo at maghahanda ng sarili, lalabas ng bahay at babiyahe papasok ng trabaho.
Tapos sa bandang huli ay kapos pa rin. Kulang ang pagbangon at pagsusumikap upang maibangon din ang iba, ang iyong mga mahal sa buhay.
http://www.senangjer.com |
Matapos ang mga trahedyang katulad ng 8.9 na lindol at tsunami sa Japan ay maraming mga OFW ang kung dating paulit-ulit na bumabangon para sa mga mahal sa buhay ngayon ay nakapag-aalalang hindi na makabangon pa sa pagkalugmok o pagkapahamak. Tsk tsk!
Wala tayong magawa ngayon kundi ang magsintemiyento at mag-alala.
Kaya nga napakahalaga ng isang tanong at patalastas… para kanino ka ba bumabangon? Naisip ko tuloy baka ang tanong ngayon para sa mga kababayan nating nagpapakabagong bayani sa Japan ay, nakabangon ka pa kaya? Sana ligtas silang lahat.
Gayunpaman, patuloy pa rin tayo sa pagbangon… patuloy pa rin tayo sa pagkakape, patuloy pa rin sa pagbangon sa mga mahal sa buhay.
Ako kaya para kanino nga ba ako bumabangon? Para sa kape at sigarilyo… hehehe.
Madalas sa lungkot ng mga pangyayari sa buhay… mabuting isipin pa rin na sa katulad ko ay may katulad mong bumabangon para sa akin… salamat!
Babangon ako
Sa pagbangon ng bawat umaga
Ay may isang ikaw na nagpapagana
Sa pag-unat ng bawat pagsigla
Ay may ako na sa ’yo lakas nakukuha
Sa pagtulog ng mga gabi
Sa panagip ikaw ay bahagi
Sa paglalim ng mga himbing
Panatag akong sa ‘yo’y gigising
Kung ang kape ay nananatili
Kasama kang sa paggising ay lalagi
Kapiling ng isip at pagyoyosi
Ng umagang iyong pinag-iigi
Kaya nga’t kung ikaw ay mawala
Mainam pang ako ay matulala
o kaya namay bangungutin kaya
sapagkat mawala ka’y di ko kaya.
No comments:
Post a Comment