Nagkita-kita kami nitong biyernes. Matapos ang lagpas isang dekadang hindi pagkikita heto kami at nagpapakalunod sa kasiyahan. Inuman, kainan, kwetuhan, tawanan, piktyur-piktyur (pang FB) at umaatikabong baliktanaw sa kaputik-putikang pinaggagagawa nuong panahong iyon. Ganito naman lahat ng reunion.
Tama, Dekda 90. Noong kami ay mga aktibista pa. Parang nagrewind lahat sa kwentuhan...
Hindi ko na nga kilala yung iba. Wala na ako nang marekrut sila. Nagdatingan naman ang ilan sa matatanda at matatatag noon sa chapter. Matatanda dahil una silang narekrut, matatatatag dahil tumagal sila at naging aktibo ng ilang taon. Nag-FT pa nga.
Bata pa sila noon, ngayon may kanya-kanya nang pamilya. Patuloy pa ring dala-dala ang pinagsamahan ng isa’t-isa sa kabila ng dumaming mga bungangang pakakinin at gastusing pagpapawisan at hirap na titiisin. Hayun at nanatiling bata sa kanilang samahan, asaran at pagpuputik.
Bata pa nga sila noon na naniwalang mahalaga ang magiging ambag sa pagbabago. Nasa tamang gulang na sila ngayon, mahalaga pa rin para sa kanila ang pag-babago, ngunit ang pag-ambag para rito…gusto man ng paniniwala, magrereklamo naman ang sikmura.
Kaya naman kung noon ay sinasabay ang saya at pagiging bata sa pagrarali at pag-intindi sa lipunan, ngayon, ang oras ay mahirap nang pakawalan ng ganun-ganon na lang. Kung noon ay Gin ang alak ngayon aba redhorse at may Vodka naman ang iba.
Naunawaan ko sila…
Nakakapagpalubag loob naman na kinikilala nila ang naging ambag ko sa kanilang pagiging magkaka-ibigan. Nakakapaglubag loob ding malaman na hindi ka nakalimutan at pinapahalaghan pa ngang hingin ang iyong opinyon sa mahahalagang desisyon sa buhay nila magpahanggang ngayon.
E bibilib ka din naman sa mga ito… akalain mo ba namang sa tindi ng pagkakaibigan at kapatirang nabuo, mag-pahanggang ngayon ay nagkikita-kita pa.
Ganun-paman, iba na nga ngayon, kabilang na kami sa mga mangagawa na noon ay kaiba sa sektor naming kabataan. Noon ay ubrang pawarde-wardeng kumakain, ngayon ay may damay-damay nang mga maliliit na bibig at maseselan na bituka.
Basta... Sa tingin ko lang, nagbago man at tumanda ang panahon, pero hindi pa rin nagbabago ang kamalayan nilang mga dating taga-Makyo.
No comments:
Post a Comment