Walong (8) oras ka ba namang umaandar. May ilang stop-overs pero masakit pa rin ang matagalang pagkakaupo. Patunay na nakakapagod din atang nakaupo lang. Galaw-galaw baka ma-stroke!
Muntik nang tabunan ng kaseryosohan ng lakad ang kagandahan ng probinsiya. Paano pa kaya ang mga residente sa ilang erya rito sa NV na palaging nanganganib ang karapatan? Akalain mo ngang wala lang pero meron meron meron! May nakaambang panganib ng pagmimina!
Kita ko sa mga ilang bagong kakilala at ilang mga luma na rin na taga rito ang dahilan ng kanilang pakikilahok. Involvement ba. Nakangiti at nakakapagbiruan. Pero ang mga kakilalang ito ang mga humaharap sa problema ng kanilang buhay at komunidad.
Naalala ko pa nung pinasyalan namin ang kanilang barikada sa tuktok ng bundok na kanilang ipinagtatanggol laban sa malawakang pagmimina. Sakripisyong umaatikabo. Mahabang lakaran at nagpuputik pa ang daan. Kung sa kanilang mga tagaroon ay nilalakad nila ang baba patungo sa taas nang 3 hanggang 4 na oras. Kami inabot ng pitong umaatikabong oras para maabot lang ang barangay PAO.
At nalaman ko na ang marami sa kanila ay apektado na ang hanap-buhay. Nagsasalit-salitan kasi sila sa pagtao sa barikada upang bantayan ang pagpasok ng mga higanteng makinarya ng MINA.
Kaya naman naantala na ang kanilang pagtatanim o anupamang hanap-buhay. Dahil siyempre kapag hindi naman sila nagsakripisyo buong buhay na nilang tatamasain ang paghihirap kapag napasok ang mina.
Mga hayop na kumpanya na’yan! Madaming buhay at bituka ang sasagasaan habang ang mga hayok lang nilang kadupangan to the max ang iniintindi.
‘Pag nag-paplano kami tungkol sa laban o kampanya para sa karapatang pantao, nararamdaman kong isa itong mabigat na tungkulin. Hindi ito trabaho lang lalo’t tungkol sa mga tao ang pinag-uusapan.
Parang seryoso a?!
Seryoso nga. Hehehe.
Nakasalalay rin ang mga pagod, enerhiya, resourses at mukha ng opisina o organisasyon. Pero dahil tao lang tayo, hindi rin tayo palaging tama. At hindi mo rin malalaman kung tama ka o mali kung hindi mo isasabak o susubukan.
Kaya nang matapos na ang seryosong usapan… nag-inuman kami…at naisip ko ang nagpipilit na tulang ito
Photo by www.tfdp.net |
Sa ganda ng paligid na kanilang masisira
At dun ko hinugot ang pag-aalala
Sa mga puno, sa bundok sa gubat na aba
Ang gandang ito ang pipisonin ng saya
Ng mga dayukdok na sa kapital at kita
Di bale nang marami ang masalanta
Magkamal lamang, manghuthot ng bansa
Higit sa lahat ay masasadlak ang laksang
Mga katutubo’t magsasaka
hanapbuhay sa lupang masisira
inaangkin pilit ng kanilang pagmimina
sa bawat pagsimot ng yaman ng lupa
sa kinang ng ginto silang lumiligaya
ay may mga nilalang na dinudukha na’y
kanila pang sinikil sinasaid ang laya
habang ang pamahalaan katulad din nila
sa kinang ng lagay at mga pabor na pera
mapuno ang kasakiman umapaw ang bulsa
habang salalay ang buhay ng iba
higit nga sa lahat ay maraming buhay pa
ang masisikil madididikdik ng hayok na mina
paanong ikinaliligaya ng higanteng kumpanya
ang maniil, kumitil at mang-aba sa ngalan ng kita.
1 comment:
Magandang umaga po. Ako po si Ivy Claudio ng DZUP 1602. Nais ko po sanang magpaalam na babasahin ko po ang inyong tula sa aking programa sa radyo mamayang 1-2 pm. Ang programa ko po ay Nature Venture, isa pong programa tungkol at para sa kalikasan. Sana po ay mapaunlaka ninyo ako. Salamat po!
Post a Comment