ang kulit! |
Nasa limelight nanaman ang yellow. O dapat sabihing nawala nga ba sila? Siyempre 25 years na ang sikat na Edsa people power (?) kaya all eyes sa kanila (parang DJ sa isang site, “All eyes! All eyes!” panawagan nito sa mga nanunuod. Hehhe). Ang ganda pa ng timing, presidente si Pnoy, continuing the legacy of the Aquinos. Legasiya ng isang pagbabagong ipinangako.
Madalas sa pagbiyahe ko papasok sa opisina, libangan ko na ang pagmasdan ang mga mukha ng mga taong aking nasasalubong o nakakasabay. Bukod sa mga kinakaasaran kong mabagal maglakad lalo na kung ako’y late na at nagmamadali. Nililibang ko ang sarili sa panghuhula sa kanilang mga iniisip.
Nagtaxi na ako dahil late na ako. Ang bungad kaagad sa akin ni manong taxi ay kung tatawid ba ng Edsa matapos kong sabihin na sa Cubao ang punta ko. Nag-aalala pala siya na baka maipit ng trapik dahil grabe daw ang bara sa Edsa ngayon dahil sa pagdiriwang ni Pnoy and the rest of the yellow gang. Nakahinga lang siya nang maluwag nang maipaliwanag ko ang erya na paghahatiran niya sa ‘kin ay ‘di aabot doon. Pero naitanong ko sa sarili… bakit may pinag-iba ba? Hindi ba’t trapik naman talaga sa Edsa kahit walang 25th anniv na gimik?
Pasimple kong pinagmasdan si manong taxi. Siguro naiinis ito dahil ang selebrasyon ng Edsa people power ay nakakaistorbo pa para sa kanyang pagkayod para makaipon ng pang-boundary at panggasolina. Siyempre katiting na pang-uwi kay manang at kina utoy at neneng. Hehehe. May pinag-iba ba sa mga nakakaraang araw?
Tapos nadaanan namin ang mga nagpipinta ng pader sa may underpass na tumatagos mula sa IBP road patungong commonwealth Hi-way. Medyo mabilis ang pangyayari kaya hindi ko na napansin kung MMDA ba sila o City hall personnel. E kasi ba naman inagaw kaagad ng panghuhula ko sa iniisip nila ang itsura ng uniporme habang abala sila sa pagpipinta. Sa tingin ko iniisip nila na sana ay papintahan pa sa kanila ang lahat ng pader sa buong QC para naman dumami pa ang mga araw na kikita sila ng kahit 2hundred lang.
Gayun din ay napadaan kami sa may ilalim ng pedestrian overpass sa tapat ng St. Peter’s Church. Napansin ko ang nagtitinda ng buko, katabi ng nagtitinda ng diyaryo. Ang hula ko sa iniisip ng nagtitinda ng buko ay kung ipok-pok kaya niya ang buko sa ulo ng lalaking bumibili na nagrerklamo sa presyo nito. Hula ko naman sa iniisip ng reklamador na bumibili…E hindi naman pasko o bagong taon, bakit ang mahal ng buko. Hehehe.
Habang ang nagtitinda ng diyaryo naman, sa hula ko sa kanyang iniisip ay… hinahanda na ang mga diyaryo upang matapos mapukpok ng buko ang lalaki at humandusay sa kalsada, agad niyang ialalatag ang dyaryo para ipantakip sa bangkay. Hehehe. Habang ang headline sa mga pahina ng diyaryo ay ang Edsa celeb. Hindi pa ba nasanay si manong magbubuko sa ganitong mga reaksiyon ng mambibili? Si manong magdidyaryo naman mukhang hindi interesadong basahin ang tinitinda. May bago bas a balita? News nga e.
Hindi pa nakakalayo ay napansin ko naman ang isang magandang babae na kumaway sa Taxi ni manong taxi. Bigla itong kumunot ang nuo. Siguro nadismaya nang mapansing may sakay na ang taxing kanyang pinapara. Ang hula ko pa nga busit na busit siya sa nakasakay sa taxi at pinapanalangin niya na sana ay mawala sa kinauupuan ang pasahero at nang mabakante ang taxi at siya ang makasakay (teka ako ang pasahero a).
Sigurado ako nagmamadali rin ito. Hehehe. Sa araw-araw na pagpara sa taxi, madalas mahirap talagang makakuha nito, nag-iba ba?
Nang makalagpas kami ni manong taxi sa Don Antonio (sa tapat ng ever) ay napatingin naman ako sa nag-iisang kariton na kulay dilaw sa isang community na naiipit ng mga commercial establishments. Tuwing dumadaan ako dito ay napansin kong siguro ay may apat hanggang limang kariton na magkakamukha ang madalas na nakaparada rito. Kariton ito ng mga nagtitinda ng skrambol.
Siguro ang may ari ng nag-iisang kariton na ito ay naiwan at hindi nakapagtinda. Ang iba pa niyang mga kasamahan ay maagang nagsipagtinda sa Edsa at kasalukuyang kumikita na. Nasamantala ang opportunity, samantalang siya na naiwan ay hinayang na hinayang kung bakit kasi nalasing siya kagabi kaya hindi tuloy kumita ngayong umaga. Ganun pa din naman iinom pa rin siya mamayang gabi. Hehehe. Kahit walang kinita ay makakainom pa din siya.
Nang makalagpas kami ay napuna kong wala ang mga masisipag na men in brown sa kahabaan ng commonwealth. Hindi katulad noong simulan nila ang paghihigpit nang ilagay ang lane para sa mga pampasaherong jeep at bus. Pati na rin ang paglalagay ng 60 speed limit.
Ngunit pagdating namin ni manong taxi sa bandang Tandang Sora, nanduon pala at nakatumpok ang mga tropang brown at blue na MMDA. Siguro ay nainitan at sumisilong. Tutal ningas kugon lang naman at isa pa maliit lang ang sahod at ‘di ganahang magpaka-dalisay sa panghuhuli ng mga lumalabag. Isa pa, naka-ipon na siguro ng nakolektang pangkape mula sa mga lumabag nang maaga-aga pa. Ganiyan na dati a, ganiyan pa din ngayon.
Pagdating ko ng opis. Binayaran ko ang tumaas na pamasahe sa taxi. Hindi na ako nagreklamo kasalanan ko naman kasi tinanghali ako ng gising kaya kelangang magtaxi para mabilis-bilis ang biyahe. Yun nga lang napapadalas ang patanghali ko gumising. Kelan nga ba ako magbabago?
Ilang araw na ngang ganito. Parang naisip ko katulad din nilang lahat ay parehas din at walang nagbago sa araw-araw ko.
Sigurado ako na ni hindi laman ng kanilang iniisip ang nangyayari may ilang kilometro sa Edsa. Pa’no ba naman ay kailangan nilang paghirapan ang siguro ay dalawang daan na ibibigay sa kanila para sa isang araw ng pabibilad sa init at alikabok. Pagbabanat ng buto at pananakit ng paa at puwet sa trabaho.
Una kong sinilip ang headline sa PDI. Siyempre 25th Anniv ng Edsa ang nakabandera. Nang biglang tumunog ang aking cellfon… Nagtext ka, sabi ng message mo, “Musta?” nasabi ko sa sarili ko… ito ang bago! Na sa kabila ng Edsa-edsa at yellow-yelow ay ang maalala mo ako. At ‘di ko nga napigil na hulaan ang nasa isip mo…
yeba-yeba you make my day!
Isang text mo lang
Isang text mo lang ako ay naaliw
Maikli man basta galing sa ‘yo giliw
ang “musta” mong message ay tila may saliw
ng kanta sa pag-sinta at pag-giliw
isang text mo nga lang mundo ay nagiba
nasungkit ang bituin kahit pa umaga
nahalikan ang araw kahit na tirik siya
maibibigay ang buwan kahit tumanggi ka pa
nag-awitan ang mga anghel ng ringtone sa langit
wall paper ang mga demonyong mapilit
nagka-wi fi bigla ang mumurahing unit
bigay ni kerubin para ikaw ay makamit
Ano pa’t kung tatawag ka
Siguradong ako’y mababaliw na
Sa text mo pa nga lang ay
Over acting na, super corny pa.
Hehehe. Tablado pati EDSA.
No comments:
Post a Comment