Saturday, February 26, 2011

Pagmamahal ko sa ‘yo’y tulad

Putik! heto ngayon, umiral nanaman ang pagkatulala. Kaya naman sinamantala ko ito at nagtahi-tahi nanaman ng mga salita. mabuti na ito para kahit papaano ay may naisip pala. 

Madalas ngang ganito kasi siguro mahalagang may pakiramdam pa rin naman ako kesa naman kausapin ko ang sarili. parang may topak lang sa gedli. hehehe.

Pwedeng 'di ka man mahalin pero 'di ka papipigil sa panggigigil.  Sige na nga...


Pagmamahal ko sa ‘yo’y tulad

Ng pagdating ng umaga
Paglisan ng takipsilim
Pamamasyal ng tag-araw
Pagdalaw ng tag-ulan

Kung paanong may isinisilang
At ang dulo ay kamatayan
Kung paanong may maganda
May pangit, may sala

Kung paanong di maiwasan
Na ang dagat ay umalon
Umihip ang hangin
Galit man o mahinahon

Na kung ang awit ay may simula
At may wakas ang mga tula
may kasunod dahil may nauuna
may ako at ikaw sinta

Dahil hindi mo mapipigilan
Mahalin ka’t kagiliwan
Ng damdaming dinatnan
Ngunit ‘di na lumisan

Friday, February 25, 2011

Musta?


ang kulit!
Nasa limelight nanaman ang yellow. O dapat sabihing nawala nga ba sila? Siyempre 25 years na ang sikat na Edsa people power (?) kaya all eyes sa kanila (parang DJ sa isang site, “All eyes! All eyes!” panawagan nito sa mga nanunuod. Hehhe). Ang ganda pa ng timing, presidente si Pnoy, continuing the legacy of the Aquinos.  Legasiya ng isang pagbabagong ipinangako.

Madalas sa pagbiyahe ko papasok sa opisina, libangan ko na ang pagmasdan ang mga mukha ng mga taong aking nasasalubong o nakakasabay. Bukod sa mga kinakaasaran kong mabagal maglakad lalo na kung ako’y late na at nagmamadali. Nililibang ko ang sarili sa panghuhula sa kanilang mga iniisip.

Tuesday, February 8, 2011

Seryoso?!

Masarap sa probinsiya.  ‘Yan ang naglalaro sa kukote ko habang nananakit ang puwetan sa isang mahabang biyahe pauwi sa Quezon City.  Galing kasi ako sa Nueva Vizcaya.  Isang opisyal na lakad ng opis.

Walong (8) oras ka ba namang umaandar.  May ilang stop-overs pero masakit pa rin ang matagalang pagkakaupo.  Patunay na nakakapagod din atang nakaupo lang. Galaw-galaw baka ma-stroke!

Muntik nang tabunan ng kaseryosohan ng lakad ang kagandahan ng probinsiya.  Paano pa kaya ang mga residente sa ilang erya rito sa NV na palaging nanganganib ang karapatan? Akalain mo ngang wala lang pero meron meron meron!  May nakaambang panganib ng pagmimina!

Saturday, February 5, 2011

Nang lumisan ka…

Photo by Jonal Javier
Nang lumisan ka, ‘di ako nagalit
Ngunit ang mundo ay nagwala
Sinisi kita dahil hindi ko mapilit
Na manatili ka sa ‘kin sinta

Nang lumisan ka, ‘di ako nakalimot
Ngunit ang puso ko’y naaba
Sa iyo ibinintang ang mga pagluha
Dahil ang mawala ka’y ‘di kaya

Nang lumisan ka, ikaw ay nanatili
Ngunit hindi ang aking sarili
Dahil nadiskubre kong bagamat wala ka na
Patuloy kang mahalin ay hindi mali 

Nang lumisan ka, kahit na
Wala ka man sa harap ko sinta
Ang lisanin ka, kalian man
Ay ‘di ko kaya, hindi magagawa…

Dahil ang lumisan ay ikaw…
Hindi ang aking pagsinta.

Share buttons

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...