Paggising ko pa lang alam ko na ang mga naghihintay na isyung haharapin.
Sinlawak ng karagatan, nakakalula samantalang simple lang naman. Ang kasimplehan ang siyang lumulula at kumukumplika o depende sa tumitingin. Depende sa kin.
Nandiyan ang kapatid ng imposibleng paglaya ng mga binilanggo ng mga may kapangyarihan. Nandiyan ang kamag-anakan ng mga winawala ng mga bangis ng katotohanan. Hindi rin pahuhuli ang mga pinsang ginutom at sinalat, winarak, inabusong dignidad. Ang buong mag-anak ng katotohanang inaarok ng isang kuldit o grupo ng mga nagrereuniong problema ng lipunan.
Kung tutuusin, sa ganito nga ayaw mo nang magising pa. Pero hindi ko kinakalimutan ang mga nagpapapagaang sa lahat ng ito na katulad mo.
Ang mga dahilan ng pagpahid ng muta upang malinaw na makakakita. Ang mga dahilan ng pagmumumog upang magbitiw ng mababangong salita. Ang mga dahilan ng paghahanda sa isang mayos na buhay at lipunan.
Na hindi mo lang alam ay simple kang timbang upang akoy patuloy na maglayag sa karagatang hindi ako maluloblob kailan man. Ang kasimplehang ito ang magpapalutang sa mga nalulunod sa karagatang sinlaki ng problemang wala atang kalutasan.
Ikaw ang simpleng sa aki’y nagpapalutang sa pusod ng higanteng karagatan.
No comments:
Post a Comment