Paano mo papatayin ang bulalakaw
Sa pagliyab at pagpapapansin
Sa iilang mga mata
Ng mga naglalanding dayami
Sa gitna ng parang ng pang-aapi
Subukan mong maging bulalakaw
Subukan mong magliyab at pumaibabaw
At malalaman mong hindi sa kanya
Nagmumula ang apoy
Kung hindi siya’y pinagliliyab ng mga elementong
Sa kanya’y nakikipagtunggali
Kaya mapapatay mo ang bulalakaw
Kung mapapatigil mo ang tunggalian
Ng elemento ng hangin at materyal
Ng mga asupre ng pagkagalit
At pag-uuling ng mga pagkabigla.
Mapapatay mo ang bulalakaw
Kung sasabay ka sa kanyang pagkamatay.